전체 공개 ・ 08.27

2026.08.26 (Wed)
Napaisip ka ba kung saan nanggagaling ang mga kalyo sa ating mga kamay? Kung oo, ito’y madalas na nakukuha mula sa iba’t ibang gawain natin sa bawat araw. Ganiyan kasi ang mga kamay ng aking ama. Puro kalyo. Pangit man ang mga kamay niya sa paningin ng iba, sa aking mga mata, ito’y simbolo ng kaniyang mga sakripisyo. Madalas tanghali na siya kung gumising dahil madaling araw na siya nakakatulog. Kaya naman, sa bawat tanghali na gigisingin ko siya, ang kaniyang mga kamay ang lagi kong unang napapansin. Puro kulubot, puro sugat—puro kalyo. Alam kong ito’y resulta ng kaniyang pagtatrabaho, ngunit alam ko rin na may mas malalim pang dahilan kung bakit ganoon ang mga kamay niya. Ang aking ama ay kasalukuyang 59 na taong gulang. Isang taon na lang, senior citizen na siya. Bagama’t siya’y tumatanda na at nanghihina, lagi niyang sinasabi na hindi siya puwedeng tumigil o mawala hangga’t hindi pa kaming magkakapatid nakakatapos sa pag-aaral. Dahil sa simpleng pangungusap na iyon, napagtanto ko na ang mga kalyo sa kaniyang mga kamay ay hindi lamang dahil sa pagtatrabaho, kundi dahil na rin sa kaniyang pagmamahal. Kahit minsa’y hirap na hirap na siya, tinitiis niya ang lahat. Lagi niyang inuuna ang mga bagay na nagpapasaya sa amin kaysa sa mga bagay na gusto niya para sa kaniyang sarili. Kaya tuwing naglalaan siya ng oras para sa kaniyang mga hilig, lubos akong natutuwa. Kadalasan kasi, iyon ang mga bagay na hindi niya nagawa noong bata pa siya—mga pangarap na matagal niyang isinantabi. Kaya naman, ako’y lubos na nagpapasalamat dahil siya ang naging ama ko. Minamahal niya ako, sinusuportahan, at handang magsakripisyo para sa aming magkakapatid. Kung may pagkakataon na makakita ka ng taong puro kalyo ang kamay, huwag mo siyang husgahan. Tanungin mo muna ang iyong sarili, “Ano kaya ang mga sakripisyo niya?” Dahil sa aking ama, naniwala ako na ang bawat kalyo ay may malalim na kuwento. Ikaw, may mga kalyo ka ba? — ms. kae [08.27.26] thank you for reading! this was written as a dedication to all people who work hard for those they love. the translation is on Substack! btw, this is also my first time writing a Filipino piece, haha note: kalyo means callus in English